P800/day na hulog para sa mga bagong jeep, inangalan ng mga driver

by Radyo La Verdad | October 18, 2017 (Wednesday) | 3195

Higit dalawang dekada nang namamasada bilang jeepney driver/operator si Mang Bong Nasul.

Sa kanyang araw-araw na pamamasada simula alas singko ng madaling araw hanggang alas tres ng hapon sa rutang Guadalupe-Fort Bonifacio, umaabot sa 1,700 ang kanyang kinikita.

Ngunit hindi lahat ng ito ay napupunta sa kanya dahil babawasin pa rito ang 600 pesos na pang krudo sa maghapon.

Kaya naman ang P1,100 na naiuuwi niya sa pamilya ay pilit nilang pinagkakasaya sa pangangailangan ng dalawang anak na nasa kolehiyo at iba pang gastusin gaya ng pagkain at mga gamot, ito ang dahilan kung bakit hindi siya pabor sa gagawing jeepney modernization program ng pamahalaan.

Katwiran ni Mang Bong, hindi kakayanin ng isang ordinaryong jeepney driver/operator gaya niya ang 800-pisong arawang hulog na ipinapanukala ng gobyerno, upang makakuha sila ng moderno jeep.

Pero paliwanag ng Department of Transportation, hindi magiging mahirap para sa mga driver ang naturang halaga.

Una, may ibibigay na 80,000 subsidy ang gobyerno para sa paunang 250 jeepney drivers.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos, kung mapapalitan ng modernong unit ng mga jeep, mas dadami pa ang ma-eengganyo na sumakay dito, kaya’t posibleng mas lumaki pa ang kanilang kikitain.

Malaki rin anila ang matitipid ng mga driver sa gastos sa petrolyo kapag napalitan na ng Euro-4 engine ang makina ng kanilang mga sasakyan.

Plano rin ng DOTr na bumuo ng mga kooperatiba, kung saan ito ang magiging katuwang ng driver sa pagbabayad ng mga bagong jeep, ito’y sa pamamagitan ng paglalagay ng mga advertisement sa mga unit ng jeep, upang magkaroon ng karagdagang kita.

Makatutulong din anila ang gagawing pagsasa-ayos ng mga ruta, upang mabawasan ang matinding kumpetisyon sa mga pampublikong sasakyan.

Kasama rin sa mga ipinapanukala ng DOTr na gawing paswelduhan ng kooperatiba ang mga jeepney driver.

Base sa kasunduan ng LTFRB at ilang government banks, maaring makapangutang ang mga driver ng 1.4 hanggang 1.6 million pesos upang makabili ng modernong jeep.

Maari nilang itong bayaran sa loob ng pitong taon, na may 6 percent interest rate.

Sa ngayon ay patuloy ang pamahalaan sa pagbuo ng mga epektibong mekanismo, upang matulungan ang mga driver na makasabay sa gagawing jeepney modernization program.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,