P7.8-B sobrang singil ng Meralco, ibabalik na sa customers

by Radyo La Verdad | May 12, 2022 (Thursday) | 8810

METRO MANILA – Magpatutupad ng bawas singil sa kuryente ang Manila Electric Company (MERALCO) ngayong buwan ng Mayo para sa mga residential customer nito.

Dose sentimos kada kilowatt hour ang makakaltas sa electricity bill ng mga residential customer ng Meralco.

Katumbas ito ng P24 na bawas singil sa mga residential customer na kumukonsumo ng 200 kilowatt hour kada buwan.

P36 pesos naman para sa 300 kilowatt hour na konsumo. P48 pesos sa 400 kilowatt hour at P60 kung aabot ang konsumo ng 500 kilowatt hour.

Ayon sa Meralco, bagaman tumaas ang generation charge ay nahila ito pababa ng refund na ibinibigay sa mga residential customer.

Alinsunod ito sa utos ng Energy Regulatory Commission sa Meralco bunsod ng sobrang singil ng power distributor simula July 2011 hanggang June 2015 na umaabot sa P7.8-B.

Hindi pa tiyak ng Meralco kung magkakaroon ulit ng bawas-singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.

Depende anila ito sa paggalaw ng presyo ng iba pang bahagi ng Meralco bill kabilang na ang generation charge.

Ayon sa Meralco, 50% – 60% ng bill ng kuryente ay mula sa generation charge na batay sa dami ng supply.

Isa anila ito sa maaaring tutukan ng susunod na administrasyon upang mapababa ang singil sa kuryente.

Kung mapabababa ang generation charge sa bill ng kuryente, inaasahan ng Meralco na bababa rin ng buwis na kailangang bayaran ng mga customer.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: