P63B na halaga ng proyekto, inaprubahan ng NEDA

by dennis | May 20, 2015 (Wednesday) | 3695
File photo: UNTVweb.com
File photo: UNTVweb.com

Inaprubahan na kahapon ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang paglabas ng pondo na nagkakahalaga ng P63.618 billion para sa pagtatayo ng mga proyektong pang-imprastruktura sa ilang istratehikong lugar sa bansa.

Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr., P6.9 billion ang mapupunta sa Road Improvement and Institutional Development Project (RIIDP) na ipatutupad ng Department of Public Works and Highways kasama na rito ang Phase II ng National Roads Improvement and Management Program (NRIMP) na nagkakahalaga naman ng P28.943 billion na ipatutupad din ng DPWH.

Kabilang sa mga proyektong nasa ilalim ng RIIDP ang muling pagtatayo ng Macasoy Bridge sa kahabaan ng Dipolog-Oroquieta Road sa Zamboanga del Norte na nasira ng bagyong Yolanda; habang sakop naman ng NRIMP ang rehabilitasyon ng mga lugar na lubhang sinira ng bagyong Yolanda na ang pondo ay nagkakahalaga ng $60 million na manggagaling naman sa $232 million World Bank loan para sa mga lokal na pamahalaan.

Kasama rin sa popondohan ng pamahalaan ang Agno River Irrigation System Extension Project ng Natioanl irrigation Administration (NIA) na nagkakahalaga ng P2.63 billion;ang Balog-Balog Multipurpose Project Phase II ng Office of the Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization sa ilalim din ng pangangasiwa ng NIA na nagkakahalaga naman ng P13.37 billion, at ang Light Rail Transit 2 West Extension Project ng Department of Transportation and Communications na nagkakahalaga ng P10.118 billion.

Tags: , , ,