Aabot sa P60-M na halaga ng smuggled cigarettes ang naharang ng Bureau of Customs (BOC), at Manila International Container Port (MICP) sa tulong ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at ng Xray Inspection Unit (XIP) kahapon (Nov. 3).
Sa mahigpit na kampanya ng ahensya laban sa mga ilegal na pagaangkat, napag alamang ang mga kontrabandong ito ay galing China na nakapangalan sa Ocean World Enterprises.
Idineklara ang mga kontrabando bilang various items kabilang ang mga bag, furniture, at carton pero nang busisiing maigi ng mga tauhan ng customs ay naglalaman pala ng 500 cases at 1,198 boxes ng mga smuggled cigarette.
Sa ngayon ay mayroon pang 11 shipment ang inimbestigahan ng BOC na pinaghihinalaang naglalaman ng ilegal na mga produkto.
Samantala, sasampahan naman ng violation sa section 1400 in relation to section 1113 ng Republic Act (RA) No. 10863 o ang Customs Modernization and Traffic Act (CMTA), paglabag sa guidelines and regulations ng Bureau of Internal Reveue (BIR), at sa National Tobacco Authority (NTA) Memorandum.
Sasailalim din sa imbestigasyon ang ilan pa sa mga kargamento ng nasabing kompanya upang matiyak kung may mga paglabag din ito sa mga rules and regulations ng Customs.
Pinaaalala ng MICP na mahigpit na pinagbabawal ang pagpupuslit ng mga items gaya ng tobacco at ilan pang maituturing na regulated goods. Sinomang mahuling lumabag dito ay papatawan ng kaukulang parusa.
Ayon sa BOC, mananatiling matatag ang ahensya sa kampanya nito na malabanan at masugpo ang mga smugglers sa bansa sa pangunguna ni BOC Commisioner Rey Leonardo B. Guerrero.
(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)
Tags: BOC, smuggled cigarettes