P6-M hinihinalang Marijuana, nakumpiska sa 3 suspek sa Benguet checkpoint

by Erika Endraca | October 8, 2021 (Friday) | 3006

Nasabat ng Benguet Provincial Police sa isang checkpoint sa Paykek, Kapangan Bunguet nitong October 3, 2021 ang P6 milyong halaga ng hinihinalang marijuana.

Ang 3 suspek ay kinilalang sina Marry Ann Felipe Del Rosario, Simiano Tadina Patingan at Jun Comot Colera.

Bukod sa marijuana, nakumpisa rin ng pulisya ang 45 pistol at isang magazine na naglalaman ng 7 bala.

Pinuri naman ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang mga pulis sa Benguet sa matagumpay na operasyon.

“Kung hindi sa masusing pagbabantay at pagiging alerto ng ating kapulisan, marahil ay nakalusot na naman itong mga suspek na ito at naidala itong marijuana sa plano nilang pagdalhan,” ani PNP Chief PGen Guillermo Eleazar.

Magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng supplier ng marijuana.

Samantala ang mga suspek ay makakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang si Colera ay sasampahan ng palabag sa Replic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

(Zy Cabiles | La Verdad Correspondent)

Tags: