P6/liter na taas-presyo sa Diesel, posibleng ipatupad simula bukas (June 7)

by Radyo La Verdad | June 6, 2022 (Monday) | 9910

METRO MANILA – Apektado pa rin ng krisis sa pagitan ng Russia at Ukraine ang presyo ng langis sa bansa.

Ngayong linggo, tinatayang magkakaroon na naman ng malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Kung matutuloy ito, posibleng umabot ng P6 per liter ang idagdag sa presyo ng Diesel, P2 per liter naman sa gasolina at P5 per liter sa Kerosene.

Sa isang panayam, tinukoy ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na isa sa mga dahilan ng taas-presyo ay ang paglaki ng demand dahil sa tag-init sa ilang bansa.

Nakaapekto rin aniya sa paggalaw ng presyo ang oil ban na ipinatutupad ng Russia laban sa European Union.

Habang tumaas rin ang demand sa China bunsod ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya matapos ang pagluwag ng lockdown sa naturang bansa.

Samantala, isinapubliko na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan ng mga operator ng public utility vehicle na nakatanggap na ng P6,500 na fuel subsidy.

Paliwanag ng LTFRB, layon din nitong makumpirma ang ilang hinaing ng mga operator o driver na hindi pa umano nakatatanggap ng subsidiya.

Pinasinungalingan rin ng ahensya ang paratang ng ilang PUV personnel na hindi sila nabigyan ng fuel subsidy bagkus ay karamihan, kung hindi lahat, ay nakatanggap na ng ayuda.

Makikita ang listahan ng mga PUV operator na nakatanggap na ng fuel subsidy sa itinalagang website ng LTFRB.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,