P5,000, ipagkakaloob ng pamahalaan sa bawat pamilya na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette – Pres. Duterte

by Radyo La Verdad | December 28, 2021 (Tuesday) | 669

METRO MANILA – Ipagkakaloob ng pamahalaan ang P5,000 kada pamilya sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Odette.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, may sapat naman na pondo ang gobyerno para maibigay ang naturang financial assistance.

“May pera naman. I am giving P5,000 per family. Itong pera na nakuha ko, which I have gathered, will be sufficient for the assistance of P5,000 for everybody,” ani Pres. Rodrigo Duterte

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Ano nailabas na nila ang joint circular ukol sa panuntunan ng pagbibigay ng cash assistance sa typhoon-hit areas.

Aabot aniya sa P4-B ang ayuda na kanilang ipapamahagi. Inatasan naman ni Pangulong Duterte ang Department of Social Welfare and Development na bumili ng mga tarapal na magagamit bilang temporary shelter ng mga nawalan ng tahanan.

Aabot naman sa P150-M ang kailangang pondo ng Department of Trade and Industry upang matulungan ang mga maliliit na negosyo na naapektuhan rin ng bagyo.

“Ang estimate po namin magiging 2,000 ang beneficiary per probinsiya. Kung 2,000 ‘yan at bawat isa ang programa natin ay P8,000 to P10,000 kada micro entrepreneur para mabigyan ng pangkabuhayan package,” ani DTI Sec. Ramon Lopez.

Kada probinsya ay maglalaan aniya ng P20M. Pero sa ngayon ayon sa kalihim, may nakahanda na silang P8.2-M na ipantutulong sa mga negosyo sa Siargao.

Bukod pa ito sa livelihood aid sa 1,000 benepisyaryo mula sa regions 6,7,8 at Caraga.

Plano naman ni Pangulong Duterte na muling bumalik sa mga lugar na sinalanta ng bagyo upang makita ng personal ang recovery efforts ng pamahalaan.

(Nel Maribojoc | UNTV News)