P5,000 halaga ng cash assistance, ipagkakaloob ng DOLE sa mga nawalan ng trabaho sa Alert Level 3

by Radyo La Verdad | January 18, 2022 (Tuesday) | 578

METRO MANILA – Binabalangkas na ng Department of Labor and Employment ang magiging guidelines sa ipamamahaging cash assistance para sa mga mangagawa na nawalan ng trabaho nang muling magpatupad ng Alert Level 3 sa Metro Manila at iba pang mga lugar sa bansa.

Sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), makatatanggap ng tulong pinansyal ang isang mangagawa mula sa formal sector na naapektuhan ang trabaho dahil sa paghihigipit bunsod ng pandemya.

Bukas nakatakda ang pagpupulong ng DOLE, at inaasahang maipapamahagi ang ayuda para sa mga mangagawa sa susunod na linggo.

Para sa mga nais mag-apply para sa CAMP, maaring mag-register sa reports.dole.gov.ph at isubmit ang kinakailangang data para ma-proseso ang application.

Sa datos ng labor department, mula January 1 to 15 2022, mayroon nang mahigit sa 30,000 mga mangagawa ang naapektuhan ng muling paghihigpit ng mga restriction, kung saan 11, 500 sa mga ito ang permanente nang nawalan ng trabaho.

Habang nasa higit 2,000 naman ang pansamantalang natigil sa pagta-trabaho o kasalukuyang nasa flexible work arrangment.

Pero inaasahan ng DOLE na tataas pa ang bilang na ito, matapos na i-extend hanggang sa January 31 ang Alert Level 3.

Tiniyak naman ng ahensya na tuloy pa rin ang iba pa nilang mga programa para matulungan ang mga mangagawa na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.

Samantala, nagpalabas na rin ng kautusan ang DOLE kung saan hinihikayat ang employer na magkakaroon na ng paid isolation at quarantine leave ang isang manggagawa na naging close contact o maaring positibo sa COVID-19.

Sa isang labor advisory, sinabi ng DOLE na bukod sa leave benefits na ibinibigay ng kumpanya, maaari na ring magpagusapan ang panukalang isolation and quarantine leave program kung saan hindi pwedeng markahan ng absent o bawasan ang sweldo ang isang empleyado na sumasailalim sa isolation o quarantine.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)