P500 na dagdag ayuda sa mga mahihirap, ipamamahagi bago matapos ang termino ni Pres. Duterte –

by Radyo La Verdad | June 17, 2022 (Friday) | 761

METRO MANILA – Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso na bigyan ng dagdag na cash assistance ang pinaka mahihirap na mamamayan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sisimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng P500 na monthly ayuda bago bumaba sa pwesto si Presidente Duterte.

“Sa kasalukuyan iniimbentaryo natin yung mga beneficiaries natin na merong mga cash card dahil hindi lamang pantawid pamilya Pilipino program beneficiaries ang may existing cash cards, gayon din yung mga beneficiary ng unconditional cash transfer…” ani DSWD Spokesperson, Dir. Irene Dumlao.

Sa pagtaya ng DSWD, nasa 12.4 milyong Pilipino ang tatanggap ng nasabing tulong pinansyal.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program 4Ps, mga naging benepisyaryo ng unconditional cash transfer, senior citizen na tumatanggap ng pension at iba pang mga kwalipikadong mahihirap.

Ayon sa DSWD, titiyakin nila na magiging mas maayos ang distribusyon ng ayuda.

Target itong maipamahagi sa pamamagitan ng wire transfer sa mga sangay ng LandBank of the Philippines.

(JP Nunez | UNTV News)