P5-M halaga ng suspected shabu, nakumpiska sa isang buy bust operation sa Taguig City

by Radyo La Verdad | December 14, 2017 (Thursday) | 4006

Iprinisinta kagabi sa PDEA headquarters ang tatlong hinihinalang tulak ng droga matapos makumpiska sa kanila ang isang kilo ng suspected shabu sa buy bust operation sa Upper Bicutan, Taguig City.

Kahapon ng hapon nahuli ang mga suspek na sina Wena Barber, 42 anyos, Madel Espiritu, 32 anyos at Reynaldo Domingo 43 anyos na pawang mga residente ng Taguig City.

Ayon kay Director III Ismael Fajardo Regional Director ng PDEA-NCR, isang linggong sinubaybayan ng mga operatiba ang galaw ng mga suspek upang mabitag ang mga ito na nagdedeliver ng droga sa mga parokyano ng mga ito sa Metro Manila.

Nagkakahalaga ng limang milyong piso ang nasabat na iligal na droga sa mga suspek,  2.4 million na buy bust money at ginagamit na cellphone sa kanilang transaksyon. Ayon sa PDEA, katunayan ito na tuluy-tuloy pa rin ang transakyon ng iligal na droga sa National Bilibid Prison.

Umamin naman ang isa sa suspek na nasa loob ng piitan ang kanilang ka-negosasyon. Napag-alaman din na isa sa mga kasama ng mga suspek ay nakakulong sa Bilibid

Ayon pa sa mga suspek inutusan lang silang ipadala ang iligal na droga dahil na din sa matinding pangangailangan. Ikukulong sa PDEA headquesrters ang mga suspek at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o  Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,