Naghain na ng petition for fare increase sa Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pamunuan ng Light Rail Manila Corporation. Lima hanggang pitong piso ang nais nilang madagdag sa kasaluyang pasahe sa tren.
Ayon kay LRMC President at CEO Juan Alfonso, nais nilang mabawi ang walong bilyong pisong ginastos sa pagsasaayos at patuloy na pagpapaganda sa serbisyo ng LRT-1.
Kabilang sa mga service improvement na isinasagawa ay ang pagdaragdag sa bilang ng mga tumatakbong tren. Sa ngayon ay 109 bagon ang napapatakbo ng LRMC.
Tumaas rin anila ang biyahe na mga tren na ngayon ay umaabot na sa higit limang daan na nagkapagseserbisyo sa higit limang daang libong mga pasahero kada araw.
Kasama rin sa kanilang isinaayos ang ilang mga istasyon; gaya ng Doroteo Jose Station, Pedro Gil, Edsa Station at iba pa.
Bukod pa rito ang pagkukumpuni at pagmimintina sa ilang pasilidad gaya ng mga comfort room, esclator at elevator sa mga istasyon. Ibinida rin ng LRMC na wala silang naitalang aberya simula noong Enero.
Kapag naaprubahan ng Department of Transportation (DOTr), posibleng ipatupad ang dagdag pasahe sa Agosto.
Sa kasalukuyan, nasa 12 hanggang 30 piso ang pamasahe sa LRT-1 depende sa destinasyon ng pasahero.
Samantala, hati naman ang reaksyon ng mga pasahero sa nakaambang dagdag pasahe. Enero 2015 nang huling humirit ng dagdag pasahe ang LRT 1.
Base sa concession agreement, dapat magpatupad ng dagdag singil ang LRT-1 tuwing kada dalawang taon at naka-schedule na nga ito ngayong Agosto.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: dagdag singil, DOTr, LRT