Tatlong 40 foot container vans na may lamang tinatayang 2,800 bags ng bawang at sibuyas mula Guangdong, China ang nasabat ng Bureau of Customs Intelligence and Investigation Service sa Manila International Container Port.
Dumating ang unang container noong June 7 at ang dalawa pa noong July 7.
Nakalagay na Consignee sa mga kargamento ang equicent import and export corporation na nakaregister sa Food and Drug Administration bilang food exporter.
Ayon sa MICP, nakitaan nila ng pandaraya sa import permit ang mga ito dahil bawang lang ang naka-deklarang laman nito. Nag- isyu na ang BOC ng warrant of seizure and detention sa mga nakumpiskang bawang at sibuyas.
Nahaharap sa paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act at economic sabotage ang mga opisyal at broker ng naturang kompanya.
Magsusumite rin ng reklamo ang BOC sa Dept. of Justice laban sa equicent dahil sa pagpupuslit ng agricultural products. Malaki rin ang epekto ng pag-ismuggle ng mga gulay sa mga lokal na magsasaka.
Nagbabala rin ang Bureau of Plant Industry sa mga posibleng panganib na dala ng mga ipinapasok na produkto sa bansa.
Kinakailangan din suriin ng Bureau of Plant and Industry ang mga kargamentong may lamang agricultural products dahil maaaring may mga pesteng dala ito at sakit na maaaring makuha ang tao kapag nabenta sa Merkado at nakonsumo
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)