P3M halaga ng illegal drugs, nasabat ng BOC sa Central Mail Exchance Center, Pasay City

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 3484

Anim na parcel na naglalaman ng marijuana leaves, cannabis oil at ecstacy ang nakumpiska ng Bureau of Customs sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Tinatayang nagkakahalaga ito ng mahigit tatlong milyong piso at pinaniniwalaang mula sa Amerika at Germany.

Bukod sa machine verification, nagsagawa rin ang mga tauhan ng customs ng physical examination upang makumpirmang ilegal na droga ang laman ng mga ito.

Ayon sa BOC, idineklara ang shipment bilang mga food additives, apparels, handbags at school supplies.

Itinurn-over ng BOC kahapon ang mga nakumpiskang iligal na droga sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Ayon kay PDEA National Capital Region Dir. Ismael Fajardo, kadalasang ginagamit na ng mga drug peddlers ang Postal Office sa pagtangkang pagpuslit ng iligal na droga sa bansa.

Nakatakda namang sampahan ng reklamong paglabag sa RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act at paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang anim na indibidwal na consignee ng mga package.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,