P388-M halagang suporta mula sa DA, iginawad sa mga magsasaka at mangingisda sa Cagayan

by Radyo La Verdad | May 27, 2022 (Friday) | 7149

Iginawad ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang P388-M halaga ng agricultural support at iba pang interventions sa mga magsasaka at mangigisda sa Cagayan nitong ika-20 ng Mayo 2022.

Bahagi sa iginawad ang P312-M financial assistance at fuel subsidy sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) at Fuel Discount Voucher Program (FDVP).

Naging benepisyaryo nito ang 64,826 na mga magsasaka ng mais at palay at mangingisda sa lalawigan. Ayon kay Secretary Dar, ito ay bahagi ng P844.37-M halaga na inilaan sa Agri-Fishery sector ng Cagayan Valley Region sa ilalim ng RFFA at FDVP.

Bukod dito, tatanggap ng mga makinarya ang iba’t ibang Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nagkakahalaga ng P69.2-M at livelihood assistance mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na umaabot sa P6.5M.

Sa isinagawang awarding ceremony sa Iguig, Cagayan, kinilala ni Secretary Dar ang pagsisikap at sakripisyo ng mga lokal na mga magsasaka na nagpapakain sa mga Pilipino.

“We want to improve the lives of our food heroes. Sama-sama po tayo at pagtulungan ang pagpapabuti ng sektor ng pagsasaka at pangingisda,” ani Agriculture Sec. William Dar.

Dagdag pa ng kalihim na ang Department of Agriculture ay naglunsad ng isang directional plan para gawing modernisado at industriyalisado ang farming at fishing sectors na siyang gagabay sa mga programa at proyekto ng susunod na administrasyon.

Ang National Agriculture and Fisheries Modernization and Industrialization Plan (NAFMIP) ay hindi lamang nakatuon sa produksyon kundi isinasaalang-alang din ang kabuoan ng food value chain system upang matiyak ang food security, mapabuti ang nutrisyon, mapataas ang kita at maabot ang katatagan at katagalan.

“Tapos na po ang eleksyon pero tuloy-tuloy ang kampanya natin laban sa kahirapan at kakulangan ng pagkain,” ani DA Secretary William Dar

(Edmund Engo | La Verdad Correspondent)

Tags: ,