METRO MANILA – Nanawagan sa pamahalaan ang isang labor group na panahon na para itaas sa P33,000 ang buwanang minimum wage ng mga empleyado ng gobyerno.
Ayon sa grupong Public Services Labor Independent Confederation (PS LINK) ito ay upang makasabay sa tumataas na presyo ng mga bilihin ang mga empleyado.
Anila, lubhang maliit na ang P12,000 na salary Grade 1 ng mga mangagawa kaya’y hirap na itong pagkasyahin sa pang-araw araw na pangangailangan ng isang pamilya.
Batay sa pag-aaral ng Ibon Foundation kamakailan, umaabot na sa higit P1,000 kada araw ang kinakailangan budget ng 1 pamilya na may 5 miyembro upang maitawid ang kanilang pangangailangan.
Noong Oktubre pumalo sa 7.7% ang naitalang inflation rate na pinakamataas sa nakalipas na 14 na taon ayon sa Philippine Statistics Authority.
At hindi malayo na tataas pa ito ngayong Nobyembre dahil sa tindi ng epekto na iniwan ng bagyong Paeng sa bansa.
Nauna nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inatasan na nila ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board upang pag-aralan ang posibleng umento sa sahod sa gitna ng mataas na inflation rate sa bansa.
Tags: government employees, Increase, Salary