P30-M, ipinagkaloob ng NHA para sa housing project ng Mati LGU

by Radyo La Verdad | December 25, 2021 (Saturday) | 750

METRO MANILA – Naibigay na ng National Housing Authority (NHA) ang kabuuang halaga ng P30-M sa pamahalaang panlungsod ng Mati, Davao Oriental na gagamitin sa housing project para sa 2 katutubo o Indigenous People (IP) sa naturang lungsod.

Layunin ng proyektong ito na mabigyan ng tirahan ang ilang kwalipikadong miyembro ng IPs na pawang informal settlers sa 2 barangay.

Ayon kay Mayor Michelle Rabat, ang nasabing 2 proyekto ay papangalanang “Balai Kalipay” at “Balai Maganahay” kung saan mayroong 75 housing units ang bawat isang proyekto.

Ang Balai Kalipay ay matatagpuan sa Barangay Luban habang sa Barangay Dawan naman ang Balai Maganahay.

Nasa P20-M ang halaga ng bawat housing project o magkakaroon ng kabuuang halaga ng P40-M.

Dagdag pa ng alkalde, ang natitirang P10-M ay sa susunod na taon pa maibibigay ng NHA.

(Renee Lovedorial | La Verdad Correspondent)