P3.7 trillion-2018 proposed budget at tax reform bill, nilagdaan na ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | December 20, 2017 (Wednesday) | 2862

Inaprubahan na kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 3.7 trillion peso national budget at ang unang package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN bill. Pinakamalaking budget pa rin ang Department of Education na may 553.3 billion pesos.

Sinundan ito ng Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense at Department of Social Welfare and Development.

Samantala, nangangahulugan din na magiging epektibo na simula January 1, 2018 ang unang reporma sa pagbubuwis ng administrasyon.

Kabilang na ang libreng buwis sa mga kumikita ng hindi hihigit sa 250 thousand pesos, 90 thousand pesos tax exemption sa 13th month pay at iba pang bonus.

Ipapatupad na rin sa Enero a uno ang unang bahagi ng pagtataas ng excise tax sa mga produktong petrolyo. Piso kada kilo sa liquefied petroleum gas o LPG, 2.50 centavos sa diesel, 7 pesos sa regular, unleaded at premium gasoline. Ginawa ring simple ang ipapataw na buwis sa automobile, coal excise tax na pinangangambahang may epekto sa magiging singil sa kuryente ay papatawan ng dagdag na buwis na 50 pesos kada metric ton simula 2018.

Tinatayang nasa 120 billion pesos ang makukuhang dagdag na buwis ng pamahalaan sa pamamagitan ng TRAIN, kung saan 70 percent ay ilalaan sa infrastructure program.

At bagamat may inaasahan nang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin, singil sa kuryente at maging sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon, ang tatlumpung porsiyento mula sa makokolektang buwis ay ilalaan sa mga programang tutulong sa mga mahihirap na pamilya.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,