Lagda na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kinakailangan upang tuluyang maisabatas ang general appropriations act para sa 3.35 trillion pesos 2017 national budget matapos maratipikahan kanina sa Kongreso.
Ngunit bago ito pumasa sa Bicameral Conference Committee, kinuwestiyon muna ni sen. Panfilo Lacson ang bersyon ng Kamara kung saan kinaltasan ng mahigit P8 billion ang budget ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Matapos ang debate, nagkasundo ang mga ito na sundin ang bersyon ng senado at inilaan ng 8 billion sa Commission on Higher Education para sa State Universities and Colleges o SUCS.
Ipinagmalaki naman ni Senate Committee on Finance Chairperson Loren Legarda ang naipasang pondo dahil malaking bahagi aniya nito ay inilaan sa social services;
Gaya ng libreng patubig para sa mga magsasaka, libreng matrikula sa mga iskolar ng state universities and colleges, dagdag na food allowance para sa mga preso, at dagdag-pondo para sa doctors to the barrio program.
Pinalawak na rin ang sakop ng Universal Health Care Services ng Philhealth.
Tiniyak rin ng senadora na walang pork barrel sa 2017 budget at natugunan na nila ang isyu umano ng malaking lump sum sa DPWH budget
Umaasa naman ang senadora na magagamit ng wasto ang inilaang pondo sa susunod na taon upang maging kasangkapan sa pagbibigay ng mas magandang kalidad ng buhay para sa mga Pilipino.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: niratipikahan na ng Kongreso, P3.35 trillion national budget