Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi sakop ang mga point to point bus ng gagawing paglilimita sa pagdaan ng mga provincial bus sa EDSA. Ito ang mga P2P buses na bumibiyahe sa ruta ng Rizal, Pampanga at Laguna.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, tanging mga provincial buses lamang ang saklaw ng implementasyon ng bagong traffic management scheme na sisimulan sa IKA-1 ng Agosto. Dahil dito, maluwag pa ring makakabiyahe ang mga P2P sa kahabaan ng EDSA anomang oras.
Sa ika-23 ng Hulyo, isang dry run ang isasagawa ng MMDA hinggil sa bagong polisiya na inaasahang makatutulong upang maibsan ang problema sa trapiko sa EDSA, bunsod ng mga gagawing road reblocking at flood control projects ng DPWH.