P250K halaga ng tulong pinansyal, ibinigay sa pamilya ng mga pulis at sundalo na nasawi sa Marawi crisis

by Radyo La Verdad | July 26, 2017 (Wednesday) | 1813


Tinipon ang mga pamilya ng mga sundalo at pulis na nasawi dahil sa Marawi crisis sa Malakanyang kagabi.

Ito ay upang maipagkaloob sa bawat pamilya ang tseke na nagkakahalaga ng 250 thousand pesos na tulong pinansyal galing sa Go Negosyo Kapatid at Federation of the Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Incorporated.

Subalit bukod dito, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may isang negosyante rin ang magbibigay ng tig-iisang milyong piso sa bawat pamilya ng isang daan sa isang killed in action.

Nakiramay ang pangulo sa mga naulilang kaanak. Tiniyak nito na hindi mawawalan ng kabuluhan ang sakripisyo ng kanilang mga mahal sa buhay at di sila pababayaan ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ng punong ehekutibo na magbubuhos siya ng pondo para palakasin ang mga pwersa ng pamahalaan.

Nag-iipon siya upang paglaanan din ang 50-bilyong pisong trust fund para sa edukasyon ng bawat tauhan ng pulisya at militar.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,