P250 milyong na halaga ng smuggled na bigas mula Vietnam, nasabat ng Bureau of Customs

by Radyo La Verdad | June 15, 2018 (Friday) | 28530

Walang import permit mula sa National Food Authority (NFA) ang dalawang daang container ng sako-sakong bigas na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, galing Vietnam ang kargamento may lamang isang daang libong sako ng bigas na nagkakahalaga ng 250 milyong piso.

Nakapangalan ang shipment sa Sta. Rosa Farm Products Corporation.

Ayon kay Comissioner Lapeña, ito na ang pinakamalaking shipment ng agricultural products na nasabat sa ilalim ng kaniyang panunungkulan sa kawanihan.

Bukod sa planong i-auction ang mga ito, makikipag-ugnayan din ang BOC sa NFA kung maaring idagdag sa buffer stock ng bansa ang nasabat na kargamento.

Subalit isasailalim muna sa safety and health standards check ng Food and Drug Administration (FDA) ang naturang mga bigas upang masiguro na ligtas itong kainin.

Samantala, sinira naman ng BOC ang walong daang karton ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng 18 milyong piso.

Sinira rin ang apat na milyong pisong halaga ng nasabat na produkto gaya ng bags, lotions at toothpaste.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,