P231-M halaga ng asukal at bigas, nadiskubre ng BOC sa mga bodega sa Caloocan City

by Radyo La Verdad | August 25, 2022 (Thursday) | 21653

METRO MANILA – Natagpuan ng Bureau of Customs (BOC) ang libu-libong sako ng bigas at asukal na may halagang aabot sa P231-M sa 2 warehouse na nasa isang compound sa 448 Kabatuhan St., Deparo Road, Barangay 168, Caloocan City nitong Agosto 22.

Ayon kay Commissioner Yogi Filemon Ruiz, natuklasan ng operasyon ang 66,000 na sako ng bigas at 13,000 sako ng asukal na parehong may timbang na 50 kilo bawat isang sako at nagmula sa bansang Thailand at Vietnam.

Ang operasyon ay bahagi ng visitorial power ng Customs para mag-inspeksyon ng mga warehouse na pinaniniwalaang pag-iimbak o hoarding ng asukal.

Pansamantalang isinara ang entrance at exit ng mga warehouse na sinaksihan ng Customs Intelligence Investigations Division (CIIS), Enforcement Security Service (ESS), at mga kinatawan ng may ari ng warehouse.

Ayon kay Commissioner Ruiz, patunay ito na seryoso ang ahensya sa isyu ukol sa hoarding ng mga produktong agrikultural gaya ng bigas at asukal at layon ng mga isinasagawang inspeksyon na mapigilan ang ganitong pang-aabuso.

(Ritz Barredo | Laverdad Correspondent)

Tags: