Simula ngayong araw makatatanggap na ng karagdagang 21 pesos kada araw ang mga sumusweldo ng minimum wage sa mga pribadong sektor sa Metro Manila.
Base sa Wage Order No. RB NCR-21, inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region ang pagtaas ng pang araw-araw na minimun wage ng mga non-agricultural workers sa 512 pesos mula sa 491 pesos.
Makakatanggap naman ng minimum wage rate na 475 pesos ang mga agriculture workers, mga nagtatrabaho sa retail, service establishments na may labing limang empleyado pababa at manufacturing establishments na may sampung empleyado pababa.
Hindi naman sakop ng wage order ang domestic workers, mga nagtatrabaho sa personal service at mga empleyado na rehistrado sa barangay, micro business enterprises na may certificate of authority.
Samantala , ayon naman sa Associated Labor Unions at Trade Union Congress of the Philippines, magandang balita ito dahil sa basic pay at hindi sa COLA o ECOLA idaragdag ang 21 pesos kada araw.
Ibig sabihin aniya ay tataas din ang overtime rates at iba pang individual pay rates na karaniwang ibinibigay sa mga minimum wage earners.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya ito sapat dahil inabsorb lang ito ng nagtaas sa singil sa kuryete, tubig, LPG, gasoline at iba pang basic commodities.
Tags: dagdag sahod, mangagawa, NCR