P205M o 20M kWh, natipid ng gobyerno nitong March — DOE

by Radyo La Verdad | June 2, 2023 (Friday) | 3312

METRO MANILA – Nakatipid ang gobyerno ng P205M o 20 million kilowatt-hours (kWh) noong katapusan ng Marso sa pamamagitan ng Republic Act (RA) No. 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation (EEC) Act ayon sa ulat ng Department of Energy (DOE) nitong May 30.

Sa ilalim ng EEC Act, ang pampublikong sektor ay magpapatupad ng Government Energy Management Program (GEMP) kung saan babawasan nang hindi bababa sa 10% ang konsumo ng kuryente at gasolina sa lahat ng opisina ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit sa mga teknolohiyang matipid sa enerhiya.

Iminungkahi rin ng DOE na pagtibayin ang flexible work arrangement (FWA) sa gobyerno. Ito ay dahil nakatipid ng 430,227 kWh o P5.13M ang konsumo ng kuryente noong Pebrero dahil ng pagtratrabaho ng mga empleyado sa kani-kanilang bahay.

Pinuri naman ni Energy Secretary Raphael Lotilla ang pagsisikap ng gobyerno, at sinabing ang maliliit na aksyon, lalo na kapag katuwang ang buong ahensya ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa pagtitipid ng enerhiya.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: