P20,000 cash grant sa ilalim ng Pantawid Pasada Program naipamahagi na ng DOTr sa mga PUJ operator.

by Erika Endraca | December 31, 2019 (Tuesday) | 15595

METRO MANILA – Inianunsyo ng Department Of Transportation (DOTr) sa kanilang official facebook page Kahapon(Dec.30) na naipamahagi na sa mahigit 100,000 lehitimong jeepney operator ang panibagong fuel subsidy sa ilalim ng pantawid pasada program.

Bawat operator ay nakatanggap ng tig P20,514.76 na ipinasok sa kanilang mga pantawid pasada cash card.

Sa pamamagitan nito maari itong gamiting pambayad ng mga tsuper at operator sa tuwing magpapakarga sa mga gasoline station.

Sa kabuoan aabot sa higit P2.2-B na subsidiya ang naipamahagi na ng mga pamahalaan sa mga jeepney operator.

Subalit para sa transport group na Pasang Masda, hindi sapat ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan upang makabawi ang mga driver at operator sa epekto ng dagdag na excise tax sa presyo ng langis.

Ayon kay pinuno ng Pasang Masda na si Obet Martin, kada araw ay gumagastos ang isang driver ng P1,500 – P2,000 sa pagpapakarga ng diesel.

Bagaman makatutulong, lubhang maliit lamang anila ang epekto nito sa kanilang gastusin.

“So ilang araw lang yun?10 days lang yun so pagkatapos nun nganga ang driver, tulong rin ito pero pansamantala lang” ani Pasang Masda President, Obet Martin.

Naniniwala ang grupo na tanging ang pagpapatupad ng dagdag pasahe sa jeep ang nakikita nilang solusyon upang makabawi sa mabigat na epekto ng excise tax sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa Enero 2020, plano ng Pasang Masda at iba pang transport group na maghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB), upang hilingin na itaas sa P11.00 ang minimum na pasahe sa jeep.

Paglilinaw ng grupo hindi sila tutol sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law), lalo’t nakikita nila na napapakinabangan naman ito sa mga proyekto sa ilalim ng Build Build Build Program.

Muli namang humingi ng pangunawa sa mga pasahero ang mga transport group sa gitna ng nakaambang paghahain ng petisyon upang itaas ang pamasahe.

“Unawain nyo po ang aming katatayuan sapagkat kayo po ay inuunawa namin, ayaw namin magtaas,subalit ito’y diktado ng pandaigdigang merkado yung pagtaas ng presyo ng petroleum products” ani Pasang Masda President, Obet Martin.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,