P200-M halaga ng mga pekeng sigarilyo, nasabat ng BOC sa Nueva Ecija

by Radyo La Verdad | August 21, 2018 (Tuesday) | 3602

Iprinisinta na kahapon ni Bureau of Custom Commisioner Isidro La Peña ang mga nasabat na pekeng sigarilyo at cigarette making machine na nagkakahalaga ng tinatayang dalawang daang milyong piso mula sa isang warehouse sa Barangay Pambuan, Gapan City Nueva Ecija.

Kasamang naaresto sa operasyon nitong weekend ang labing pitong Chinese nationals, kabilang ang isang babae na nahuling gumagawa ng mga pekeng sigarilyo.

Ayon kay Gapan City Mayor Emerson Pascual, hindi nila alam na may iligal na gawain sa loob ng compound dahil malayo ito sa mga bahay at may mataas na bakuran.

Nahirapan din ang BOC na kumpirmahin ang iligal na operasyon dahil madaling araw kung ilabas ang mga pekeng sigarilyo na direktang dinadala sa Metro Manila at ilang probinsya.

Nasa kostudiya na ng Gapan City PNP ang labing pitong Chinese nationals na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 155 Republic Act 8293 o kilala sa tawag na “An Act Prescribing the Intellectual Property Code.

 

( Danny Munar / UNTV Correspondent )

Tags: , ,