P20 kada kilo ng bigas, imposible ayon sa isang farmer’s group

by Radyo La Verdad | May 18, 2022 (Wednesday) | 3379

METRO MANILA – Hindi makatotohan o imposible para sa kilusang magbubukid ng Pilipinas, ang plano ni Presumptive President Bongbong Marcos Jr. na ibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Paliwanag ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chairpeson Emeritus, Rafael Mariano masyadong malaki ang halagang ginagastos sa produksyon ng palay, kaya’t tiyak na malulugi ang mga magsasaka kung ibaba ng hanggang P20 ang presyo ng bigas.

Bukod sa malaking gastos sa produksyon, isa pa sa labis na nakapagpapabigat aniya sa mga magsasaka ay ang ipinatutupad na Rice Tariffication Law.

Sa ilalim ng naturang batas maaaring mag-import ng mas maraming bigas ng Pilipinas mula sa ibang mga bansa na papatawan ng mas mababang buwis.

Gayunman reklamo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), hindi naman totoo na napabababa ng rice tariffication law ang presyo ng bigas kahit madami na ang inaakangat ng pamahalaan mula sa ibang mga bansa.

Ayon kay Mariano, maaari lamang siguro na maging P20 ang kada kilo ng bigas kung tuluyan nang tatanggalin ng pamahalaan ang rice tariffication law.

Sa halip na rice tariffication law dapat aniyang maisabatas ang panukalang National Food Self Sufficiency Act.

Layon ng batas na ito na maitaguyod at mapalakas ang lokal na produksyon ng palay upang hindi na dumipende ang Pilipinas sa suplay na mangagaling sa ibang mga bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na plano nila na muling ibalik ang NFA rice sa mga pamilihan subalit para lamang ito sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).

Samantala, may inihahanda nang plano ang DA upang mapataas ang produksyon ng pagkain sa bansa at magkaroon ng sapat na suplay na maibebenta sa mas murang halaga.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: