Nilinaw kahapon ng Land transportation Franchising and Regulatory Board na hindi nila inaprubahan ang two peso per minute waiting time na sinasabing sinisingil ng sobra ng Grab sa kanilang mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairman Attorney Marting Delgra, dati na itong iprinisinta sa kanila ng Grab Philippines, subalit hindi pa nila pinapayagan na ito ay maipatupad.
Nag-ugat ang isyu sa isiniwalat ni Puwersa ng Bayaning Atleta o PBA party-list Representative Jerico Nograles na 3.2 billion pesos umano ang dapat i-refund ng Grab sa kanilang mga customer.
Ayon sa mambabatas, ang sobrang singil ng Grab ay dahil sa two peso per minute travel time rate na ipinatutupad nito sa kada ride-booking transaction ng mga pasahero.
Bukod pa ito sa 40 peso flagdown rate at 10 to 14 pesos per kilometer na sinisingil ng Grab.
Giit naman ng Grab, ibinatay nila ang sistema sa department order 2015-11 ng LTFRB kung saan nakasaad na may kapasidad ang isang transport network company na mag-adjust sa sistema sa kanilang fare structure.
Depensa naman ng LTFRB, taliwas ito sa kanilang department order noong December 2016, kung saan nakasaad na hindi dapat gawing batayan ang oras sa pagkukwenta ng pamasahe.
Sinimulan ng Grab na ipatupad ang two peso travel time rate noong June 2017, na ayon sa LTFRB ay hindi ipinaliwanag ng Grab noong panahon na nag-apply ito ng renewal ng accreditation.
Ngayong araw magsasagawa ng press conference ang mga opisyal ng Grab Philippines upang sagutin ang mga akusasyon hinggil ng isyu ng overcharging.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: GRAB, LTFRB, overcharging