METRO MANILA – Inihayag ni Budget Secretary Wendel Avisado na kumuha ng dagdag na pondo mula sa 2021 contingency fund upang paigtingin pa ang vaccination program ng pamahalaan.
Partikular dito ang P2.5 Billion na halaga ng pondong pambili ng nasa 4 Milyong doses pa ng COVID-19 vaccines.
Dagdag ito sa nasa P82.5 Billion na halaga ng pondong inilaan ng pamahalaan sa ilalim ng 2021 national budget para sa vaccine procurement.
“Ang totohanan niyan, kaka-approve lang ng ating pangulo ng 2.5 Billion, equivalent to us $56 Million, chargeable against the 2021 contingency fund. Ang amount po na ito will cover the payment of around 4 Million doses of vaccines and its corresponding logistical and administrative cost which is expected to be—na ma-deliver ngayong buwan.” ani DBM Sec. Wendel Avisado.
Dagdag pa ng kalihim, nai-release na ang special allotment release order at notice ng cash allocation sa Department Of Health (DOH) kaugnay ng vaccine purchase.
Sa ilalim ng 2021 national budget, nasa P13 Billion ang halaga ng contingency fund na maaari lamang gamitin kung maaaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminado si Budget Chief Avisado na hindi lang P82.5 Billion ang dapat gastusin para tustusan ang vaccine requirement sa bansa.
“Madaling sabi, hindi lang po talaga P82.5 Billion ang gagastusin natin ngayong taon para sa pagbili ng vaccines, kaya nga ba pati contingency fund ay kailangan nang gamitin.” ani DBM Sec. Wendel Avisado
Sa kasalukuyan, mahigit na sa 5 Million doses ang nai-administer na bakuna sa bansa.
Target ng pamahalaang makapag-procure ng 148 Million doses ng bakuna para sa 50 hanggng 70 Milyong adult population bago matapos ang 2021.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19 Vaccines