P1M cash prize ng UNTV Cup, ipinagkaloob na ng PNP Responders sa kanilang benepisyaryo

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 7805

File photo from Philippine National Police

Sinaksihan ng libo-libong pulis at matataas na opsiyal ng pambansang pulisya sa kanilang flag raising ceremony ang pormal na pagkakaloob ng isang milyong pisong premyo na nakamit ng PNP Responders bilang kampyon sa katatapos lamang na UNTV Cup Executive Face Off.

Pinangunahan ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde ang kanilang koponan upang patumbahin ang pitong teams na kasama nilang lumahok sa liga ng mga public servant.

Ang executive team ng PNP Responders ay binubuo ng limang heneral at labing isang coronel. Sa mahigit dalawang buwan ng liga, nanatiling undefeated ang PNP Responders hanggang sa maging kampyon.

Nagpapasalamat rin ang PNP na naging bahagi sila sa magandang layunin ng UNTV Cup dahil bukod sa natutulungan na sila ay nabibigyan pa sila ng pagkakataong makatulong sa iba sa pamamagitan ng basketball.

Ang Public Assistance for Rescue, Disaster and Support Services Foundation (PARDS) ang benepisyaryo ng PNP. Pangunahin itong tumutulong sa ating mga kababayan na biktima ng mga kalamidad.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,