METRO MANILA – Sinira ng Bureau of Customs (BOC) sa Zamboanga port ang mahigit kumulang P183-M halaga ng mga smuggled na sigarilyo nitong Lunes Disyembre 7.
Nasamsam ng mga otoridad ang mahigit 5, 200 na kaha ng mga sigarilyo sa magkakahiwalay na anti-smuggling operations mula pa noong Setyembre 2020. Alinsunod ito sa mandato ng kawanihan na mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na kalakal sa bansa.
Gamit ang payloader machine, dinurog ang mga de kalidad na sigarilyo sa labas ng bakuran ng isang bodega sa Brgy. Baliwasan, Zamboanga City. Pagkatapos ay binasa ito ng mga bumbero at itinapon sa isang sanitary landfill sa Brgy. Salaan.
Sa huling datos ng BOC, nasa P2.2 –B halaga na ng mga ipinagbabawal na bilihin ang nasamsam mula Enero hanggang Nobyembre ng taong ito.
Pinasalamatan naman ni District Collector Segundo Sigmundfreud Z. Barte Jr. Ang ibat ibang sangay ng pamahalaan na sumusuporta sa kanilang kampanya na alisin ang mantsa ng Mindanao bilang backdoor ng pagpupuslit sa bansa.
Ang seremonya ng pagwasak ay nasaksihan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan kasama na ang mga kinatawan mula sa Commission on Audit, Department of Health, at mga stakeholder.
(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)
Tags: BOC, smuggled cigarettes