P18-M, inilaan ng DOH para sa Avigan clinical trials

by Erika Endraca | May 19, 2020 (Tuesday) | 4582

METRO MANILA – Naglaan ng nasa P18-M ang Department Of Health (DOH) para sa clinical trials ng anti-flu drug na Avigan para sa paggamot sa COVID-19 patients.

Kabilang ito sa nakasaad sa ika-8  ulat ng Punong Ehekutibo sa Joint Congressional Oversight Committee.

Sa report ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na meron nang tatlong sites para sa clinical trial kung saan may target na 80 hanggang 100  pasyente ngunit hindi nito tinukoy kung ano-ano ang mga ito.

Samantala, iniulat din ng Pangulo na umabot na sa 2.65 Million na mga empleyado ng small businesses ang nakatanggap ng cash aid mula sa gobyerno.

Ayon sa Punong Ehekutibo, P20.4-B na ang ni-release ng Social Security System (SSS) sa mga benepisyaryo.

P5,000 to P8,000  depende sa minimum wage level ang natanggap ng mga benepisyaryo sa first tranche ng Small Business Wage Subsidy (SBWS) Program mula May 1 – 15

Ang second tranche naman ng SBWS ay naka-schedule simula May 16 hanggang sa katapusan ng buwan.

Tags: ,