P18-B loan agreement sa pagitan ng Japan at Pilipinas para sa MRT-3 rehabilitation, lalagdaan ngayong araw

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 6728

Matapos ang ilang taong pagkakabinbin, naisakatuparan na ng pamahalaan ng Pilipinas at Japan kahapon ang exchange of notes hinggil sa rehabilitasyon ng MRT-3.

Nakapaloob sa exchange of notes ang mga detalye at plano kaugnay sa gagawing pagsasaayos ng MRT-3 na bahagi ng loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Sakop nito ang pagpapalit ng bagong riles, general overhaul sa mga tren, pagpapaibayo sa power supply at signalling system, gayundin ang pagsasaayos sa mga elevator at escalator at pagpapaganda sa bawat istasyon ng MRT.

Dumalo sa exchange of notes ceremony sina Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., at Japan Ambassador to the Philippines Koji Haneda at sinaksihan rin ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan.

Matapos ang exhange of notes kahapon, pormal namang pipirmahan mamaya ng mga opisyal ng DOTr at Japanese counterparts ang 38 bilyong Japanese yen o 18 bilyong pisong loan agreement para sa rehabilitasyon ng MRT-3.

Target ng pamahalaan na makumpleto ang rehabilitasyon ng MRT-3 sa unang quarter ng 2021.

Nito lamang Oktubre, muling nagtake-over ang kumpanyang Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries bilang maintenance provider ng MRT-3.

Ang Sumitomo ang orihinal na nangasiwa sa pagpapatayo ng MRT-3, at siya ring namahala sa maintenance nito hanggang taong 2012.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,