Tumaas na ang sweldo ng mga pulis habang may pangakong umento naman sa sahod ng mga guro.
Ngunit ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin umano na maitaas ang minimum wage at mawakasan ng kontraktwalisasyon sa bansa.
Ito ang nais nilang igiit sa pamahalaan, kaya naman maging ang mga kawani ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno ay nakiisa na rin sa panawagan.
Kahapon ay nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang mga empleyado ng DSWD, NFA, MMDA, Customs, NAPC at LGU sa Quezon City.
Ayon kay Ferdinand Gaite, ang National President Ng Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), ito ang kanilang paraan para mapilitan ang gobyerno na umaksyon sa kanilang kahilingan.
Panawagan ng mga ito, itaas sa P16,000 ang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor at pamahalaan.
Anila, lalong lumala ang kalagayan ng mga obrero sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa tala ng grupo, pinakamarami ang kontrakwal sa DPWH, DOH, DSWD, DA, DOTr, at DepEd.
Umaasa ang mga obrero na pakikinggan ng pamahalaan ang kanilang hinihiling para masuportahan ang pangangailangan ng kanilang pamilya lalo na ang matustusan ang edukasyon ng kanilang mga anak.
( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )
Tags: COURAGE, minimum wage, Quezon City