P16-M partial payment ng Xiamen Airlines dahil sa sumadsad na eroplano, natanggap na ng NAIA

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 7236

Natanggap na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang labing anim na milyong pisong partial payment mula sa Xiamen Airlines.

Kaugnay ito ng siningil na bayad ng pamahalaan sa airline company para sa perwisyong idinulot ng pagsadsad ng eroplano nito sa runway ng Ninoy Aquino International Airport noong ika-16 ng Agosto.

Ayon kay MIAA Manager Eddie Monreal, noong ika-15 ng Oktubre ay nagtungo dito sa Pilipinas ang mga opisyal ng Xiamen Airlines upang pag-usapan ang babayarang danyos.

Sakop ng labing anim na milyong piso ang bayad para sa inupahang equipment at mga tauhan ng nagtrabaho upang maialis ang sumadsad na eroplano.

Bukod dito, karagdagang labing anim na milyong piso pa ang inaasahang matatangap ng gobyerno.

Subalit kinakailangan pa munang dumaan sa validation ng Xiamen ang ilang mga dokumento upang masigurong tama ang halagang babayaran.

Ang nalalabi pang utang ay pagkakasunduan pang muli ng dalawang panig, subalit maaring gawin ito sa pamamagitan ng serbisyo ayon kay Monreal.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,