P15-B pondo ilalaan ng DepEd sa pagpapatayo ng classrooms ngayong taon

by Radyo La Verdad | January 31, 2023 (Tuesday) | 6826

METRO MANILA – Inihayag ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang mga suliranin at mga hakbang para patatagin ang sektor ng edukasyon sa bansa sa isinagawang Basic Education Report (BER) 2023 kahapon (January 30).

Isa na rito ang matagal nang problema sa kakulangan ng pasilidad sa mga paaralan.

Sa tala ng DepEd, nasa 327,851 ang mga pampublikong paaralan sa bansa; higit 104,000 lamang dito ang maayos ang kondisyon, habang nasa 89,252 naman ang nangangailangang ng major repairs.

Nasa 100,072 school building rin ang mayroong minor damages at 21,727 ang hindi na pinapagamit.

Ayon kay VP Duterte, sa taon 2023, maglalaan ang kagawaran ng P15.6-B na pondo para sa pagpapatayo ng classroom.

Bukod sa classrooms, inihayag rin ng DepEd na ire-revised ng kagawaran ang K-12 curriculum at itutuon sa literacy at numeracy sa hanay ng K-3 at Grades 5-7.

Habang palalakasin pa ng DepEd ang curriculum nito sa Senior High School na maging job-ready o employable pagka-graduate.

Pagtutuonan din ng atensyon ngayong taon ng kagawaran ang pag-upskill sa mga guro upang madagdagan pa ang kaalaman at kapasidad nito sa pagtuturo at paggabay sa mga mag-aaral.

Samantala naniniwala rin si Pangulong Bongbong Marcos Jr.  na kailangang mag-invest ang bansa sa mga guro para mas umaangat ang educational system ng bansa.

Ayon sa pangulo, magtatayo ang Marcos administration ng mas maraming impratraktura para sa mga estudyante, guro at sa buong academic sector.

At bilang patunay ng commitment na ito pumirma ang pangulo at si Vice President Sara Duterte sa matatag commitment wall ng DepEd na may nakasulat na “Bansang makabata, batang makabansa”.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,