P13.9-B na refund sa customer ng Meralco, ipatutupad na simula ngayong buwan

by Erika Endraca | March 10, 2021 (Wednesday) | 19210

METRO MANILA – Sa gitna ng krisis na patuloy pa ring nararanasan dulot ng pandemya, good news naman ang hatid ng manila electric company o meralco sa kanilang mga customer.

Dahil matapos aprubahan ng energy regulatory commission ay ipatutupad na ng meralco ang pagbabalik ng 13.9 billion pesos na refund sa kanilang customer.

Simula ngayong buwan ng marso hanggang sa loob ng tinatayang dalawampu’t apat na buwann ay nasa 27 centavos kada kilowatt hour ang ibabawas sa montly bill ng meralco.

“It represents the difference between yung actual na weighted average tariff at saka yung ERC-approved interim average rate namin. So, mayroon kaming nakitang difference in terms of the amount which is at, sa aming estimates, is at 13.9 Billion.” ani Meralco Spokesman, Joe Zaldarriaga.

Ngunit dahil sa iba pang adjustment at pagbaba ng generation charge, aabot ng nasa P0.36 per kilowatt hour ang kabuuang mababawas sa singil sa kuryente ngayong buwan.

Katumbas ito ng P72 para sa mga kumukonsumo ng 200 kilowatt hour na kuryente.

P108 naman para sa 300 kilowatt hour, P144 para sa 400 kilowatt hour, at P180 para sa mga gumagamit ng 500 kilowatt hour.

Ikalawang sunod na buwan na ito na nagbaba ang Meralco ng kanilang power rate at ito na rin ang pinakamababang singil ng naturang power distributor simula pa noong August 2017.

Nananatili naman ang no disconnection policy para sa mga electricity bills na may due date o takdang bayaran na march 2021 para sa mga lifeline consumers.

Sakop ng mga lifeline consumers ang mga kumukonsumo ng kuryente na mas mababa pa sa 100 kilowatt hour kada buwan.

Umaabot sa 32% ng mga consumer base sa distribution utilities ang dami ng mga lifeline consumers.

Ibinaba ang polisiyang ito ng Department Of Energy (DOE) sa lahat ng mga distribution utilities gaya ng Meralco matapos aprubahan ang rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngunit para sa ilang consumer, makakatulong nang malaki ang pagbabawas ng singil sa kuryente at pagbibigay ng palugit sa pagpuputol ng kuryente.

“Pandemic na nga, hindi pa naman tayo maluwag ngayon, hindi pa naman tayo normal na ano, magpuputol sila. Dapat hindi naman. Dapat magputol sila pagka nakaluwag na yung mga tao, nakabalik sa trabaho.” ani Meralco Customer Malou Maranan.

Nangako naman ang Meralco na patuloy silang tutulong na paghahanap ng solusyon para sa kanilang mga customer kaugnay sa pagbabayad ng kuryente.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: