P13.6M shabu at mga gamit sa paggawa nito, nasabat sa condo unit ng Korean national drug suspect sa San Juan City

by Radyo La Verdad | November 30, 2018 (Friday) | 11408

Natunton ng Philippine National Police (PNP) ang tinutuluyan ng Korean national na naaresto ng PNP noong Miyerkules dahil sa iligal na droga.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng PNP ang condominium unit ng suspek na si Joeng Hee Kim sa Greehills, Mandaluyong City pasado alas diyes kagabi.

Nakakuha ang mga pulis ng nasa dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 13.6 milyong piso, mga underprocessed na shabu, weighing scale at iba pang gamit sa paggawa ng shabu.

Mayroon ding natagpuan na iba’t-ibang denominasyon ng pera na nagkakahalaga ng halos kalahating milyong piso na hinihinalang nakolekta ng suspek sa pagbebenta ng iligal na droga.

Ayon kay NCRPO Chief Guillermo Eleazar, kalilipat laman ng suspek sa naturang condo noong Linggo, ika-25 ng Nobyembre. Posible umanong naglilipat ng gamit ang suspek mula sa isang tagong laboratory.

Samantala, nilinaw naman ni Eleazar na aabot lamang sa 2.3 bilyong piso ang maaring magawang shabu mula sa mga sangkap na nakumpiska sa suspek na unang naiulat kahapon na aabot sa apat na bilyong piso.

Sa kasalukuyan ay na-inquest na si Joeng Hee Kim sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang follow-up operations ng PNP sa pagtukoy sa kinaroroonan ng laboratoryo ng suspek at ang sindikatong kinabibilangan nito.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,