METRO MANILA – Aabot sa 10,700,000 residente ng National Capital Region ang nakatakdang pagkalooban ng ayuda ng gobyerno sa ilalim ng ipatutupad na Enhanced Community Quarantine sa rehiyon mula August 6-20, 2021.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, P13.1-B ang kabuuang halaga ng pondong para sa ayuda.
May P1,000 na ibibigay kada low-income individual o maximum na P4,000 kada pamilya.
Giit ng Malacañang, kukunin ang pondo sa savings ng lahat ng ahensya ng pamahalaan.
“Ang gagamitin natin para sa ayuda, ay galing po sa mga I quote, lahat ng unobligated, continuing appropriations, savings na idineklara ng mga departamento, mga ahensya, bureaus at mga opisina ng national government alinsunod nga po dito sa administrative order number 41.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Batay na rin ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tukuyin ng government agencies ang kanilang savings sa ilalim ng General Appropriations Act para sa taong 2020.
Upang may maipangdugtong sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Nakapaloob din sa P13.1-B ang contingency fund para sa iba pang mangangailangan ng ayuda.
(Rosalie Coz | UNTV News)