P100-P300 na rebates o balik-bayad matatanggap ng ilang Maynilad customers

by Radyo La Verdad | February 1, 2023 (Wednesday) | 8776

METRO MANILA – Nasa 222,221 na mga customer ng water concessionaire na Maynilad ang bibigyan ng rebate o balik-bayad ngayong buwan ng Pebrero.

Ito ay matapos ilabas ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang computation ng nasabing rebate na magrereflect sa susunod na waterbill ng mga customer na may kabuuang halaga na P27, 477, 617.12  

Sa inilabas na report ng MWSS, nasa P376.78 ang makukuha ng mga apektadong customer na nawalan ng suplay ng tubig ng higit sa 24 hours.

Habang P101.30 naman para sa mga nawalan ng tubig ng paminsan-minsan.

Ilan sa mga lugar na mabibigyan ng rebate bukod sa Parañaque, ang Muntinlupa City, at Las Piñas City

Kabilang din ang mga lugar sa Cavite tulad ng Bacoor, Imus, Noveleta, Rosario at Cavite City.

Matatandaang nagkaroon ng water service interruptions sa naturang mga lugar dahil sa pagsasaayos ng Putatan Water Treatment Plant.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Atty. Patrick Ty, nilabag ng Maynilad ang service obligation nitong serbisyuhan ang mga customer na nagresulta ng pagbibigay ng rebate ng naturang water concessionaire na aabot sa P27.4 million.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: ,