Epektibo na ngayong araw ang dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeepney at bus ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ay sa kabila ng mga una nang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na plano nilang suspendihin ang naturang fare hike. Ito ay upang pag-aralan kung aplikable pa bang itaas ang pamasahe ngayong bumaba na ang presyo ng langis sa world market.
Simula ngayong araw ay sampung piso na ang minimum na pasahe sa jeep habang 11 piso naman sa ordinary buses at 13 pesos sa airconditioned. Sakop ng fare hike ang Metro Manila, South at Central Luzon.
Ngunit ayon sa LTFRB, mahigpit nilang ipatutupad ang ‘no fare guide-no fare increase’ policy.
Ibig sabihin, hindi maaaring maningil ng dagdag pasahe ang mga driver kung walang fare matrix na nakapaskil sa sasakyan ng mga ito. Ito ang magiging batayan ng mga pasahero, kung magkano ang kanilang ibabayad hanggang sa isang partikular na lugar.
Ayon sa ahensya, sa mga nakalipas na araw ay wala pa silang nabibigyan ng fare matrix. Ito ay dahil wala pang nag-aapply at nagbabayad para maproseso ang kanilang dokumento.
520 piso ang kailangang bayaran para sa certificate of public conveyance ng isang operator at karagdagang 50 piso naman sa bawat unit ng jeep o bus para sa kopya ng fare matrix.
Paalala ng LTFRB sa publiko, ang mga mayroon lamang lehitimong kopya ng bagong fare matrix ang maaaring maningil ng dagdag na pasahe.
( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )