P10 bilyong halaga ng mga pekeng produkto, nasabat sa isang bodega sa Quezon City

by Radyo La Verdad | August 3, 2018 (Friday) | 5281

Kahon-kahong mga pekeng produkto ang natagpuan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang warehouse sa Quezon City matapos itong maimbestigahan at mainspeksyon ng BOC. Batay sa impormasyong hawak ng BOC, nagkakahalaga ang lahat ng mga ito ng 10.5 bilyong piso.

Iniisa-isa ni Customs Commissioner Isidro Lapena na buksan ang mga kahon. Laman ng mga ito ang mga pekeng tax stamp na nagkakahalahga ng 8.5 bilyong piso.

Ginagamit umano ito ng mga smuggler upang makatakas sa pagbabayad ng tamang buwis at maipuslit na maibenta ang mga sigarilyo sa merkado.

Nakita rin sa loob ng warehouse ang mga pakete ng mga “ukay- ukay”, smuggled na sigarilyo, mahigit isang libong sako ng bigas, mga pekeng bag at sapatos. Maging ng mga sari-saring sangkap sa pagluluto gaya ng Chinese longganisa at msg.

Hindi rin dumaan sa pagsusuri ng FDA ang mga produkto kaya hindi tiyak kung safe itong ikonsumo ng publiko.

Ayon kay Customs Chief Lapeña, tiyak na isasailalim sa destruction o sisirain ang mga produkto lalo na ang mga bigas dahil naipuslit ito papasok ng bansa nang walang clearance sa National Food Authortiy (NFA).

Ayon sa enforcement and security service ng BOC, kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan ang mga may-ari ng on time trading kung saan nakita ang warehouse na pinaglagyan ng mga pekeng produkto.

Binibigyan ng 15 araw ang mga may-ari ng warehouse upang ipakita ang kanilang pruweba na nagbayad sila ng tamang duties and taxes.

Kapag hindi sila nakapagsumite ng proof of receipt na nagbayad sila ng buwis, maglalabas ng warrant of seizure and detention ang BOC.

Nakasaad sa R.A. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines na bawal ang importasyon, lalo na ang pagbebenta ng mga pekeng produkto.

Inihayag din ng BOC na posibleng matagal na ang ganitong transakyon sa naturang warehouse.

Nguni’t kailangan pa aniyang dumaan sa proseso ng imbestigasyon ang kanilang natuklasan upang masampahan ng kaukulang kaso ang mga sangkot kapag napatunayan ang kanilang paglabag.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,