P10-B pondo mula sa taripa sa bigas, di magagamit sa katiwalian – Malacañang

by Jeck Deocampo | February 20, 2019 (Wednesday) | 19748
Tiniyak ng Malacañang na hindi magagamit sa katiwalian ang pondo na mula sa taripang nakolekta mula sa mga imported na bigas. Nakalaan ang nasabing pondo para mabigyan ng ayuda ang mga magsasaka upang mapabuti ang kanilang ani sa pamamagitan ng farm mechanization at pagkakaloob sa kanila ng high-yielding crop.
Larawang kuha ni Levi Morsy/Unsplash.

METRO MANILA, Philippines – Pinawi ng Malacañang ang pangamba ng mga magsasaka sa posibilidad na magamit sa katiwalian ang sampung bilyong pisong taunang pondo na ilalaan mula sa mga taripang nakolekta sa mga imported na bigas.

Matatandaan na sinasabing ginamit para sa pangangampanaya ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Arroyo noong 2004 ang 728-milyon pisong fertilizer fund. Ngunit hindi kinatigan ng korte ang mga kasong isinampa laban kay Arroyo at kay dating Agriculture Undersecretary Joc-joc Bolante.

Samantala, pangunahing responsable naman sa pagtitiyak na wasto ang paggamit ng pondo sa rice competitiveness enhancement si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol. Katuwang ng kalihim ang mga kooperatiba ng mga magsasaka at lokal na pamahalaan sa pagsisiyasat at pag-update ng listahan ng mga karapat-dapat na benepisyaryo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund.

Ang Congressional Oversight Committee on Agricultutal and Fisheries Modernization naman ang magsasagawa ng periodic review sa rice fund.

Umapela naman ang Palasyo sa mga kinatawan ng mga magsasaka na sumali sa mga talakayan at pag-aaral ng rice industry roadmap. Ito ay upang maisaayos ang pagpapatupad ng Rice Tariffication at matiyak na hindi magagamit sa katiwalian ang pondong nakaukol para sa mga magsasaka.

Pangunahing layon naman ng pondo sa Rice Competitiveness Enhancement na bigyan ng ayuda ang mga magsasaka upang mapabuti ang kanilang ani sa pamamagitan ng farm mechanization at pagkakaloob sa kanila ng high-yielding crop.

Ani Finance Assistant Secretary Tony Lambino, “Ang mahalaga po kasi ay pagandahin po natin ang ating imprastraktura around the rice production sector. Kailangan din po nating gawin na mas maganda ‘yung services para sa ating mga farmers.”

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,