P1 taas-pasahe sa jeep, aprubado na ng LTFRB, ipatutupad simula sa October 8

by Radyo La Verdad | October 4, 2023 (Wednesday) | 2859

METRO MANILA – Makalipas ang ilang pagdinig sa inihaing fare hike petitions ng mga transport group, pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng P1 provisional fare increase sa mga pampasaherong jeep.

Ayon sa LTFRB, kung tutuusin, pantawid lang sa pasada ang inaprubahang taas-pasahe dahil sa taas ng presyo ng krudo sa ngayon.

Epektibo ang P1 dagdag sa minimum na pamasahe simula sa Linggo para sa mga jeep mapa tradisyunal o modern.

Ibig sabihin, ang dating P12 na minimum fare sa mga tradisyunal na jeep ay magiging P13 na.

Habang ang P14 na minimum sa mga modern jeep ay magiging P15 na.

Dahil provisional fare lamang ito, base fare lamang ang madaragdagan at hindi dito kasama ang kada susunod na kilometro ng biyahe.

Itinakda naman ng LTFRB sa November 24 ang pagdinig sa main petition ng mga transport group na P5 dagdag pasahe sa mga jeep.

Pero ayon sa mga petitioner, malaking tulong na ang P1 dagdag pasahe sa kikitain ng mga tsuper.

Paliwanag ni Ka Obet Martin, ang National President ng Pasang Masda, nasa P300 na rin ang madadagdag sa kanilang kikitain.

Nangako naman ang mga ito na sakaling bumaba na ang presyo ng gasolina ay agad rin nila ibabalik ang dating pamasahe.

Samantala, hindi na rin masama para sa isang commuter welfare advocate group ang P1 provisional fare.

Pero kung isusulong ng mga transport group ang P5 dagdag pasahe, dito na sila tututol dahil masyado na itong mabigat para sa mga pasahero.

Paalala naman ng LTFRB sa mga tsuper, sa araw pa ng Linggo (October 8) magiging epektibo itong taas pasahe sa jeep.

Kung mayroon anilang agad maningil ng P1 dagdag pasahe ay maaari itong isumbong ng mga pasahero sa kanilang tanggapan.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: