P1-B technical assistance package mula sa USAID, gagamitin sa tuberculosis patients sa bansa

by Radyo La Verdad | March 22, 2018 (Thursday) | 1421

Mahigit limandaang libong mga Pilipino ang mayroong sakit na tubercolosis ayon sa 2016 TB surveillance ng Department of Health (DOH).

Ngunit nasa apatnapu’t walong porsyento dito o mahigit dalawandaang libo ang unidentified patients. Hindi rin naiisailalim ang mga ito sa tamang gamutan na lubhang delikado ayon sa DOH.

Sa pag-identify at paggamot ng mga pasyenteng ito, gagamitin ng kagawaran ang mahigit isang bilyong pisong technical assistance mula sa U.S. Agency for International Development (USAID).

Ipinagkaloob ito ng grupo sa kagawaran sa isang pagtitipon kahapon na pinangunahan ni U.S. Ambassador Sung Kim.

Ang technical assistance na ito ay bahagi ng Innovations and Multi-sectoral Partnerships to Achieve Control of Tuberculosis (IMPACT) project sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Ito ay limang taong proyekto na nakatutok sa pag-diagnose at paggamot sa TB patients.

Ayon kay Ambassador Kim, mabunga ang resulta ng DOH National TB Control Program at mas mapapalawig pa ito sa pamamagitan ng karagdagang ayuda.

Sa tala ng USAID, dalawa hanggang tatlong Pilipino ang namamatay oras-oras dahil sa TB.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,