P1-B pondo ng COMELEC, posibleng masayang kapag natagalan ang pagpasa ng batas na magpapaliban sa Barangay at SK elections

by Radyo La Verdad | July 31, 2017 (Monday) | 2905


Tuloy lang ang paghahanda ng COMELEC hanggat walang batas na naipapasa ang Kongreso upang ipagpaliban ang Barangay at SK elections ngayong Oktubre. Sisimulan na sa ikalawang linggo ng Agosto ang pag-iimprenta ng mga balota at target itong matapos hanggang sa Setyembre.

Ngunit agad rin itong ititigil kung ma-aprubahan na ang batas na magpapaliban sa halalan. Pero ayon sa komisyon, isang bilyong pisong halaga ng mga balota at mga supply ang posibleng masayang.

Subalit ayon sa kongresista na kabilang sa mga nagsusulong ng election postponement, mas malaki pa rito ang mawawala kung matutuloy ang halalan sa Oktubre.

Mas dapat aniyang tingnan ang magiging kalugihan kapag nailuklok sa pwesto ang mga protektor ng mga drug lord.

Gayunman, hindi tiyak ng mambabatas kung gaano katagal ang kailangan ng administrasyong Duterte upang linisin sa iligal na droga ang lahat ng barangay sa bansa.
Pakiusap naman ng COMELEC, agahan ang pagpasa ng batas kung ipagpapaliban din lang ang nalalapit na halalan.

Sakaling maaprubahan ang panukalang batas, bibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng mga OIC sa barangay at sa 2020 na muling magkakaroon ng barangay elections.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,