P1-B karagdagang pondo para sa mga magsasaka at mangingisda ipinagkaloob ng DA sa Land Bank

by Erika Endraca | December 16, 2020 (Wednesday) | 2655

METRO MANILA – Ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ang karagdagang 1-B piso para sa emergency loan ng mga maliliit na magsasaka at mangingisda.

Sa isang virtual na seremonya na ginanap nitong ika-15 ng Disyembre 2020, ipinagkaloob ni DA Secretary William Dar kay Land Bank of the Philippines President and CEO Cecilia C. Borromeo ang bagong pondo para sa pinalawak na SURE Aid and Recovery Project o SURE Covid-19 na pinondohan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Republic Act 11494.

Ang SURE Covid-19 loan window ay bahagi ng programa ng Agrikultura na Plant, Plant, Plant Program o ang programang Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Kontra COVID-19 na naglalayong taasan ang antas ng sapat na pagkain sa bansa.

“Ito ang aming paraan ng pagtulong sa mga agri-fishery MSMEs at maliliit na magsasaka at mangingisda na makabangon mula sa kanilang pagkalugi, dahil sila ay may mahalagang papel sa pagtiyak sa pagkakaroon ng suplay ng pagkain sa Metro Manila at iba pang mga sentro ng lunsod,” ani DA Sec. William Dar.

Maaaring mangutang hanggang sa P25,000, na walang collateral, zero interest, at mababayaran sa loob ng 10 taon ang mga magsasaka at mangingisda na kwalipikado.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,