P1.3 million na halaga ng pekeng sigarilyo, nasabat ng PNP sa Lucena City

by Radyo La Verdad | January 8, 2018 (Monday) | 4591

Arestado ang isang lalaking Chinese National sa Lucena City dahil sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo. Kinilala ang suspek na si Hongshao Eing alyas Andy Chua.

Ayon kay Police Senior Superintendent Roderick Armamento,  Provincial Director ng PNP Quezon Province, isang buwan nilang isinailalim sa surveillance si Chua dahil sa mga reklamo ng ilang lehitimong tobacco companies kaugnay ng iligal na gawain nito.

Noong Sabado, nilusob ng Quezon police ang bodega ng suspek sa Edmundo Building Merchant street, barangay Nuebe, Lucena City at dito natagpuan ang dalawandaan at limampu’t anim na kahon ng iba’t-ibang brand ng pekeng sigarilyo. Tinatayang nagkakahalaga ito ng one point three million pesos.

Ayon sa suspect, hindi niya alam na bawal ang Class A na paninda nyang sigarilyo. Dalawang taon na umano siyang kumukuha nito sa murang halaga sa Recto sa Maynila at ibinebenta sa Southern Quezon, Bicol at iba pang lugar.

Kasalukuyang nasa kustodiya si Chua ng Lucena police at nahaharap sa paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.

 

( Japhet Cablaida / UNTV Correspondent )

Tags: , ,