P1.2M halaga ng shabu, nasabat sa dalaw ng preso sa Pasay City Jail

by Radyo La Verdad | November 22, 2018 (Thursday) | 2241

Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng shabu at baril sa mismong police station ng Pasay City bandang alas nuebe kagabi. Kinilala ang suspek sa pangalang Jonathan Lusuergo Roxas, 31 anyos at driver umano ng isang transport network company (TNC).

Ayon sa mga otoridad, bibisitahin sana ni Roxas ang pinsan at kaibigan na nakakulong sa naturang police station.

Napansin ng mga jail guard na nagmamadali itong pumasok ngunit nang kapakapan ay nakuha mula sa bulsa nito ang isang bulto ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng dalawang daang libong piso .

Agad itong inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management at i-tinurn over sa Pasay City Police.

Napag-alam rin na may dala itong sasakyan at nang inspeksyonin ng mga pulis ay nakita rito ang isa pang bulto ng shabu na tinatayang may street value na isang milyong piso, dalawang sachet ng hinihinalang marijuana, isang calibre 9mm pistol at mga drug paraphernalia.

Sa kabuoan ay aabot sa dalawang daan at dalawampung gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 1.2 milyong piso ang nakuha mula sa suspek.

Itinanggi naman nito na gumagamit siya ng droga at napilitan lang umano na magbenta ng shabu dahil sa dami ng kanyang obligasyon sa pamilya.

Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, napag-alamang may pending drug case ang suspek at pansamantalang nakalaya matapos makapag-piyansa.

Mahaharap si Roxas sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms. Iimbestigahan din ng mga pulis ang persons deprived of liberty (PDL) na madalas bisitahin ng suspek.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,