P0.63 kada cubic meter na bawas-singil sa tubig ng Manila Water, ipatutupad na

by Radyo La Verdad | April 22, 2015 (Wednesday) | 917

mwss
Ipatutupad na sa mga susunod na buwan ang 63-centavos kada cubic meter na bawas singil ng Manila Water.

Kasunod ito ng desisyon ng Arbitration Panel na kontra sa pagkakarga sa mga consumer ng corporate income tax ng Manila Water.

Ibig sabihin, makakatipid ng higit tatlong piso ang mga kumu-konsumo ng 10 cubic meters, higit P7 naman sa 20 cubic meters at halos P15 sa 30 cubic meters.

Ayon sa Manila Water, tanggap na nila ang desisyon ng panel pero hindi nila sigurado kung magpapatuloy ito dahil maaaring gumalaw ang kanilang singil sa 2016 depende sa taunang adjustment sa inflation.

Sa panig naman ng Maynilad, tutol sila sa utos ng MWSS na piso kada cubic meter lang ang puwedeng itaas sa singil.

Ayon sa concessionaire, higit apat na piso kada cubic meter ang dapat nilang ipataw na rate hike kasama na ang corporate income tax pero giit ng MWSS, ang dagdag-bayarin lang bunga ng inflation rate ang dapat masingil.

Nanindigan rin ang Maynilad sa water rate hike dahil dalawang taon rin silang hindi nagpatupad ng rate adjustment at nanalo naman ang kanilang kaso sa panel. ( Mon Jocson/ UNTV News Senior Correspondent )